Last Supper

Saktong dumating ang dalawang order natin ng Tapsilog pagbitiw mo ng iyong pamamaalam. Siguro gutom na rin talaga ko — o siguro, umay na umay na — kaya wala na akong nagawa kung hindi tumango at sumubo.

Ayaw man kitang tingnan, wala akong takas sa salaming saktong kaharap ng table natin. Parang isang pelikula, pero ang palabas na ito, hindi na kailangan ng mga linya. Kilalang-kilala na kasi natin ang mga bida. Alam na natin kung ano ang tumatakbo sa isip nila.

Nagnanakaw ako ng sulyap sa’yo tuwing titigil ako upang ngumuya. Hindi ko alam kung ano ang hinahanap ko. Nakita ko kung gaano ka kapagod. Sa kauna-unahang pagkakataon nakita ko rin na tumanda na rin pala tayo. Prominente na ang mga linya sa noo mo. Mukhang sasakupin na ng eyebags ang mga mata.

Napansin mo na nakatingin lang ako sa’yo kaya tumigil ka sa pag-kain at tumitig din. Sabay tayong tumulala sa isa’t-isa. Patagalan.

Hindi ako nakatagal, sa inaasahan. Binaling ko ang atensyon sa paghalo ng sawsawan ng tapa. Suka. Toyo. Calamansi. Tadtad na sili. At saka bumulong ako para i-abot mo ang bote ng ketchup sa tabi mo.

“Kadiri naman yan.”
“Hindi mo pa lang kasi tinitikman.”
“Bakit ko naman gagawin yun.”
Nag buntong hininga ako. “Kakapit yung anghang sa ketchup. Palibhasa takot ka kasi sa sili.”

Umiling ka at sinimulan mong higupin ang mangkok ng libreng sabaw ng sinigang. Nagpatuloy ako sa pagtadtad ng sili hangga’t lahat ng buto’y nakawala na at lumulutang sa kulay itim na sawsawan.

“Alam mo, kaya pa naman, e.”, bulong ko.

Tinitigan mo nanaman ang repleksyon ko sa salamin. Hindi ako nakatiis. Kailangan kong sabihin ang sa palagay kong totoo. Pwede pa nating ayusin — ayaw mo lang. Kung ano-ano pang rason ang sinasabi mo. Kesyo mahirap ang malayo sa isa’t-isa. Na kailangan mo ng panahon mag-isip. Na away na nga tayo ng away, tungkol sa maliliit na bagay pa. Ayaw mo na, pero ayaw mo sabihin. Hindi ko alam kung gusto mo sa akin manggaling o kung gusto mong ipaglaban kita,
magmakaawang huwag kang bumitaw. Hindi ko ginawa pareho.

“Iniisip mo siguro, ang sama sama ko”, bulong mo pabalik bago uminom ng tubig.
“Hindi.” Sagot ko.
“Sorry.”

Tumango na lang ako uli. Lagok din ng tubig upang mapigil ang namumuong mga luha sa mata ko. Malabo na sa ngayon ang mukha mo sa salamin. Nagkunwari akong inuubo para matakpan ng panyo ang sarili’t makapagpunas ng hindi mo nahahalata.

“Hindi na tayo masaya.”

Tama, matagal nang hindi. Pwede pa sana gawan ng paraan pero sa halip na pag-usapan natin ‘to pinili mong lunurin sa sabaw ang kanin mo. Palutang-lutang na ang mga butil, lumalangoy sa init at asim.

Nakakatatlong subo pa lang ako ay tapos ka na. Kung dati’y parang batang inaagaw mo ang pagkain ko ngayo’y nagmamasid ka sa paligid para lang may magawa habang naghihintay. Pinupuna mo ang hina ng bentilador. Sinasabing masakit sa mata ang neon green na kulay ng mga dingding. Pinapalayas ang mga pusang kalyeng nagtatago sa ilalim ng mesa. Alam kong naiinis ka na sa mga nagvivideokeng kapitbahay na para bang inuudyukang magbalik ang tindero ng balut na ngayon siguro’y nakalayo na ng husto. Walang kaalam-alam ang mundo na malapit ka nang mawala sa akin. Patuloy lamang ito sa pag-ikot.

Binalik mo ang tingin sa salamin. Una sa sarili mo, tapos sa akin, tapos sa plato kong hindi pa nakakalahati ang laman.

“Bakit ang bagal mo?”
“Wala akong gana.”
“E paborito mo yan, ah.”
“Oo nga.”
“Bilisan mo kaya.”
“Edi sayo na lang.”

Napangiti ka pero parang nagsisi at bumalik ka sa pagtulala sa labas.

“Ang arte mo.” Sinilid ko ang plato sa’yo. “O.”
“Sigurado ka?”
“Mmm.”

Inabot mo ang platito ng sawsawan at sinabaw muli sa kanin kong ngayo’y iyo na.

“Rekla-reklamo ka pa e.”

Ngumisi ka bago mo inubos. Wala pang limang minuto, malinis na ang plato.

“Lika na.”

Walang salita akong tumayo at sumabay ng lakad sa’yo hanggang kanto. Para bang sa mga palabas ay magkabilang direksyon din ang mga bahay natin at sa isang punto ay literal na kailangan na nating maghiwalay. Hinabol ng tingin ko ang kahabaan ng eskinita kung saan ka dadaan pauwi. Wala na akong masabi.

“Ingat ka.”

Sabay talikod at lakad palayo. Hindi agad ako nakagalaw. Habang ang mga jeep ay rumaragasa sa paligid, ang mga naglalaro ng mahjong ay nagtatawanan, ang mga nagbebenta ng aliw ay nag-aabang, naisip kong hindi ka kailangan ng lugar na ito upang magpatuloy.

Walang diperensya ang iyong pag-alis. Paliit ka ng paliit hanggang sa tuluyan ka ng mawala sa paningin, wala na rin kahit ang anino mo sa espalto. Hindi ko lang maintindihan kung bakit ngayon, pakiramdam ko’y nawala na ako at naligaw.


This is a work of fiction.
Similarities to people, living or deceased, are purely coincidental.
Or not.

Meh, kidding. Well, no. Okay, half-kidding.

—-
Sinubukan ko lang ho magsulat sa ating pambansang wika at aayusin ko pa ‘to, peksman, kaya ‘wag niyo ho (muna) sana akong barilin sa Bagumbayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s