Peephole

Nakakapagsulat na ako ulit. Nakaka-, dahil minsan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang pagsusulat ay isang abilidad. Malaki ang pinagkaiba ng “I couldn’t write” sa “I wouldn’t write” — ng capability sa choice.

Ilang araw na ako nag-iisip, madalas, walang kamatayang nagrerebisyo ng plano kong umalis ng Maynila pagkakuha ko ng diploma sa susunod na taon. Masaya kasi mag-isip tungkol sa hinaharap, magkaron ng mga inaasam. Nagkakaroon kahit paano ng saysay at direksyon ang mga maliliit na bagay sa pang-araw-araw.

Pero nitong nakaraan lang din, paulit-ulit kong kwinekwestyon ang sarili ko ngayon, hindi yung bersyon ko ng sariling sinabawan na ng ideyalismo’t winisikan na ng optimismo para sa hinaharap. Napagtanto ko kasi kung gaano kababaw at superpisyal ang mga iniisip at kinikilos ko. Napakamapagkunwari. Nakakainis.

Hindi na siguro akmang isulat ko pa dito lahat ng nakita kong tinik, nagawa ko na ‘yun. Sabi ko nga, nakakapagsulat na ako ulit, at naalala ko ang panahong ang intensyon ko lamang sa pagsulat ay ang catharsis na hatid nito. Pagsusulat, para sa sarili. Ibang klase ang pakiramdam, nakakalinis ng utak mong inuuuod na ng kaululan.

Nung isang araw, nahuli ko ang tatay kong nakatitig sa akin na para bang nagdadalawang-isip sa sasabihin. Nang tanungin ko, napailing lang siya’t hindi daw makapaniwala na magdidisi-nuwebe na ako sa Mayo.

Pakiramdam ko tuloy sobrang tanda ko na.

Isa ito sa sinasabi kong kababawan — kung tutuusin ay isa pa rin talaga akong mangmang na nakanganga sa mga pangyayaring nasasaksihan. 19, isang taon lang naman ang nadagdag, e bakit eto’t pakiramdam kong ilang linya na ang naiukit sa mukha?

Siguro dahil nakakatakot naman kasi talagang tumanda. Mabigat atang responsibilidad iyong wala kang takas sa bawat implikasyon ng mga desisyon mo, kasi nga naman ikaw naman ang may gawa ng mga iyon. Pero hindi ba’t nung bata-bata pa tayo, tayo rin naman ang may hawak sa buhay natin? Anong pinagkaiba?

Ngayon kasi, hindi na pepwede yung tatalikod ka na lang bigla kapag nahirapan ka. Hindi pwedeng isisi sa family issues kapag hindi mo magawa ang trabaho mo. Wala kang makukuhang simpatiya. Mas marahas sa kabilang dako ng rehas — walang lusot, dahil ang buong mundo ang kulungan mo.

Hindi na cute yung pagiging iresposable, yung walang pakundangang pagmumukmok at pagsuklob sa langit at lupa ukol sa mga kamalasan mong sa katunayang kasalanang ayaw mo pa rin akuhin. Hindi na cute yung hindi mo alam, o at the very least, hindi ka sigurado kung ano ang gagawin mo sa sarili mo. Pribelehiyo ng mga bata maging isip-bata. Hindi na rin cute yung pag-ilag sa bigat ng sakit na nasanay ka na atang ipapasan sa iba.

Walang safety net. Yung mga pagkakataon, infinite daw, pero aminin natin, nakakasuya din yung paulit-ulit ng panata ng pag-start over. Sa Chemistry nga’y may kayhaba-habang proseso para makuha yung amount ng enerhiyang kailangan upang masira ang bonds, at misan hindi biro ito dahil sobra-sobra ang kailangan mo para matapos na ang kalbaryo. Sa buhay pa kaya?

Malas na lang, hindi tayo lahat pinalad na alam na natin, na para bang nakaimprenta na sa utak pagkasilang, yung gusto natin talaga para sa sarili. O, kung nakatatak man na parang tattoo — writer. propesor. doktor. abogado. pensyonadong beauty queen. — nakatatak din na para bang subtitle ang katotohanang hindi ito magiging madali. Isang malaking sakripisyo, aba’y syempre mas madaling itaya na lang ang prinsipyo’t mangarap na sana’y kapalit nito ang stability.

Sobrang dami ko pang kailangang matutunan, at siguro’y importanteng sabihin, gustong matutunan. Nakakasawa na ang pagmukmok. Napagiiwanan ka na, namumuo na ang alikabok.

Ano naman ang punto ng lahat ng ito? Siguro oras na sanayin ko yung sarili kong humarap sa dapat harapin. Iyon nga lang,kaakibat nito ay ang pagtalikod sa mga bagay, tao, ugali at kaisipan na hindi naman kailangan, hindi strictly necessary o condition for existence, kung hihiramin kay Durkheim. Nakakasawa.

Maraming mas importanteng bagay tayong nakakaligtaan kasi kung saan-saan tayo nakatingin. Kung iisipin, pinakamahalaga pa rin talaga sa lahat ay ang angulo kung saan natin pinapanuod ang mundo, at ang imaheng nakatitig sa atin sa salamin.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s