Rearview Mirror

“Bawat bituin ay isang tahanan”
  — Rio Alma

Unti-unti ko nang nalilimutan ang pasikot-sikot ng Maynila, ang ingay at amoy nito, habang binabaybay namin ang North Luzon Expressway. ‘Di na bale kung wala akong ideya kung nasaan na nga ba talaga kami at kung ilang oras pa bago kami pumarada sa Aurora. Sa totoo lang, hindi ko na naiisip ‘yung destinasyon. Saka na. Madalas akong matuksong hindi ko masyadong iniintindi kung saan ba talaga ako patungo, at siguro nga may bahid ito ng katotohanan. May pagka-literal din pala.

Sino ba naman kasi ang hindi maaaliw sa biyahe: executive bus, salamat sa kaibigan kong nagmagandang loob na kaladkarin ako sa lakad na ito, tapos wala pa sigurong sampu ang sakay. Madaling araw kaya patay lahat ng ilaw at kasabay na nangyayakap ng lamig ang dilim. Liwanag lamang ng cellphone at ng mga bituin ang humahadlang sa’kin sa pagtulog.

Nakakatuwang isipin na iba talaga ang pananalig ko sa mga biglaang pangyayari na para bang binasbasan ng tadhana, o ng timing, kung hindi man pareho ‘yun. Mga bandang alas-sais lang kasi namin napagdesisyunang ituloy itong lakad. Ang dapat sanang madaliang dayhike sa isang bundok sa Rizal ay nauwi sa ayaang maglibot nanaman, mapawi lang ang kati ng talampakan. Isang linggo na yata akong ganito at kagabi ko lang uli naranasanag matulog sa sariling kama. Ngayon, mga Miyerkules pa ata ang balik ko. Saan kaya sasandal ang ulo ko sa mga susunod na gabi?

Itong taon na ito ang pinakamalakwatsa (at pinakamagastos) sa buong buhay ko. Swerte na rin siguro’t kahit na panay ang bilin ng nanay kong ‘wag makipag-usap sa mga estranghero, patuloy akong nakakakilala ng mga ibang klaseng tao dahil sa kakapalan ng mukha ko. Kung saan-saan ako napapadpad at paminsan-minsan ay hindi ko na maihayag ang ganda ng mundong pinapakilala sa akin. Kailangan kong isulat upang tuluyang makumbinse ang sarili na totoo ang lahat ng ito. Kaya ito, hindi na baleng maubusan ng baterya basta makapag-catharsis. Ito naman yata ang kailangan ko, lalo na’t panay ang reklamo kong parang lumulutang lang ako nitong mga huling buwan at hindi tuluyang makaramdam. Sana pag-uwi, hindi na ganito. Sana maramdaman ko na uli ang hatak ng mundo’t makalakad muli.

Pero mahaba pa ang biyahe, matagal-tagal pa ang pagtahak ng daan patungong Baler at Baguio, at paikot sa isip ko. Ang importante, sa ngayon, malayo-layo na rin naman ang narating.

NLEX
1:47 AM

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s